HATOL SA PAGTALIKOD NG SALAH
Papuri kay Allaah at ang pagpapala at kapayapaan ay mapasa-Propeta Muhammad.
Para sa iyo aking kapatid na Muslim ang tanong na nilinaw ng kagalang-galang na si Sheikh Muhammad Bin Saleh Bin Al-Othaimeen—Kahabagan nawa siya ni Allaah.
Tanong: Ano ang gagawin ng isang lalaki na inuutusan niya ang kanyang pamilya na magsalah subali’t sila ay hindi nakikinig, siya ba ay titira sa bahay na kasama sila at makikihalubilo o aalis mula sa bahay na iyon?
Sagot: Kung ang kanyang pamilya ay hindi nagsasalah, sila ay mga Kaafir (mga hindi mananampalataya) , mga Murtad (mga tumalikod sa Islam), at umalis sa pagiging Muslim. Hindi pinahihintulutan na siya ay tumira sa bahay na kasama sila. Subali’t tungkulin niya na anyayahan sila, at ipagpatuloy ito, dahil maaaring gabayan sila ni Allaah. Ang isang tumalikod sa Salah ay Kaafir - magpakupkop tayo kay Allaah laban dito - ayon sa mga patunay sa Qur’an, Sunnah (mga Gawain at sinabi ni Propeta Muhammad), mga sinabi ng mga Sahaba (mga kasamahan ng Propeta), at ng mga taong may tamang pananaw.
Nasasaad sa Qur’an ang sabi ni Allaah, ang Kataas-taasan ukol sa mga Mushrikeen (mga taong sumasamba sa maliban pa kay Allaah):
Datapuwa’t kung sila ay magsisi at mag-alay ng Salah (takdang pagdarasal) nang mahusay at magbigay ng Zakah (katungkulang kawanggawa), kung gayon sila ay inyong mga kapatid sa pananampalataya. Qur’an 9:11
Nauunawaan natin mula sa talata na ang sinumang hindi nagsasagawa ng naturang gawain ay hindi maituturing na kapatid natin. Hindi natin itinatakwil ang pagiging magkapatid sa pananampalataya dahil sa mga bisyo o mabibigat na kasalanan, nguni’t itinatakwil natin ang pagiging magkapatid sa relihiyon dahil sa paglabas sa Islam.
Sinabi ni Propeta Muhammad ;
Nababanggit din sa Hadith ni Buraidah
Ang pagitan natin at ang pagitan nila (ng mga di mananampalataya) ay ang Salah, at sinumang tumalikod dito ay naging Kaafir na. Iniulat ni Tirmidhi at sinabi niya na ito ay Hadith na Hassan Saheeh (totoo at mapagkakatiwalaan).
Ang mga sinabi ng mga Sahaba ukol dito ay sadyang napakarami. Nagsabi ang Pinuno ng mga Mananampalataya na si Umar bin Al Khattab, ang pangalawang Khaleefa (pinuno ng mga Muslim matapos na mamatay si Propeta Muhammad);
Walang mapapala ang sinumang tumalikod sa salah. Ang ibig sabihin ng Mapapala ay ang bahagi niya. Wala siyang bahagi dahil siya ay isa nang taong hindi kilala o walang halaga ayon sa pagtatakwil sa kanya hanggang sa ito ay maging pangkalahatan. Wala siyang bahagi na malaki man o maliit.
Sinabi ni Abdullah bin Shaqeeq: Ang mga Sahaba ni Propeta Muhammad ay hindi tumatanaw sa pagtalikod ng sinuman sa anumang gawain bilang Kufr maliban pa sa Salaah.
Ang mga tao na may tamang pananaw ay nagsasabi: Kapani-paniwala ba para sa isang tao na talikuran ang Salaah samantalang siya ay mayroong kahit katiting na pananampalataya sa kanyang puso at nalalaman niya ang kadakilaan ni Allaah at ang pag-iingat Niya dito (sa Salaah)?
Ito ay isang bagay na hindi maaari. Pinag-aralan ko nang maigi ang mga batayan na ginagamit ng mga tao na nagsasabi na siya nga ay hindi nagiging Kaafir at napag-alaman ko na ito ay matatagpuan sa apat na uri.
1. Na ang sinasabi nila na siya ay hindi nagiging Kaafir ay walang batayan (ito ay opinyon lamang nila).
2. Ito ay pananalitang may pagtanggi sa pagkakaroon niya ng katangian na ang taong ito ay tumalikod nga sa Salaah (halimbawa ay nagsasabi ang mga tao na “imposibleng siya ay hindi nagsasalaah samantalang napakalapit ng kanyang bahay sa Masjid”).
3. Ito ay pananalitang nagbibigay-diin na bagaman siya ay hindi nagsasalaah siya ay kabilang sa mga taong pinauumanhinan (halimbawa ay isang taong baliw, o comatose).
4. Ito ay pananalitang nagbibigay-diin lamang sa pangkalahatang kahulugan ng mga Hadeeth at ginawa itong patungkol o pataliwas sa hatol na Kufr sa sinumang tumalikod sa Salaah (Halimbawa ay ang sinabi ni Propeta Muhammad na; “Sinuman ang magsabi ng Laa Ilaaha Illa Allaah ay papasok sa Paraiso.” Ito ay binibigyan nila ng pakahulugan na kahit ang taong nagsabi ng La Ilaaha Illaa Allaah ay papasok sa paraiso, kahit siya ay hindi nagsasalaah).
At kung mapapatunayan na ang tumalikod sa Salah ay Kafir ihahatol sa kanya ang pagiging isang Murtad (taong tumalikod sa Islam). Hindi nababanggit sa anumang kasulatan (Qur’an o Sunnah) na ang taong tumalikod sa salah ay Mu’min ( isang tunay na mananampalataya at mas mahigit kaysa sa isang ordinaryong muslim) o kaya ay papasok sa paraiso, o kaya ay maliligtas mula sa impierno. At ang ganitong katangian ( ang pagtalikod sa salah) ay nag-oobliga sa atin na pakahulugan ito bilang Kufr at ang hatol para sa taong tumalikod sa Salah maging ito man ay Kufr ng kawalan ng pananampalataya o Kufr ng katamaran ay ang sumusunod.
Una: Siya ay hindi karapat-dapat na makapangasawa. At kapag naikasal na ang isang tao na hindi nagsasalah, ang kanyang kasal ay MAWAWALAN NG BISA. Ayon sa sinabi ni Allaah:
At kung mapatunayan ninyo na sila ay mga mananampalataya Sila ay huwag ninyong pabalikin sa mga hindi mananampalataya. Silang mga babaeng mananampalataya ay hindi pinahihintulutan na maging asawa ng mga lalaking hindi mananampalataya. At ang mga lalaking di mananampalataya ay hindi pinahihintulutan maging asawa ng babaeng mananampalataya. (Mumtahanah:10
Ikalawa: Kung ang isang tao na tumalikod sa salah matapos siya ay maikasal ang kanyang kasal ay mawawalan ng bisa at hindi pinahihintulutan para sa kanya ang kanyang asawa ( sa pakikipagtalik) ayon sa nababanggit sa ayah na nabanggit kanina, ayon sa kilalang paglilinaw ng mga taong may karunungan, mawawalan ng bisa ang kasal bago o matapos pa man ang pagtatalik.
Ikatlo: ang isang tao na hindi nagsasalah kapag siya ay nagkatay ng hayop para kainin hindi tayo kakain ng kinatay niya, Bakit? Dahil ang kanyang kinatay ay haram. Kung ang hayop ay kinatay ng isang Kristiyano o Hudyo ang kanilang kinatay na hayop ay Halal ( pinahihintulatan sa mga Muslim) at ito ay ating kakainin. At siya– magpakupkop tayo kay Allaah— ay mas marumi pa kaysa sa Hudyo o Kristiyano.
Ikaapat: Ang isang tao na tumalikod sa salah ay hindi pinahihintulutan na pumasok sa Makkah o sa paligid nito, ayon sa sinabi ni Allaah.
O kayong mga mananampalataya, katotohanan ang mga mushrikoon (mga taong sumasamba sa iba pang Diyos maliban pa kay Allaah) ay marumi, at huwag silang pahintulutan na pumasok sa Makkah matapos ang taon na ito. (At Tawbah:28)
Ikalima: Kapag namatay ang isa man sa mga malapit na kamag-anak ng tao na hindi nagsasalah, hindi siya (ang tao na hindi nagsasalah) maaaring magmana mula sa kanya. At kung ang isang taong nagsasalah ay mayroon siyang anak na hindi nagsasalah at ang kanyang pinsan ay malayo o wala siyang malalapit na kamag-anak: sino ang maaaring magmana mula sa kanya? Ang magmamana mula sa kanya ay ang kanyang pinsan at hindi ang kanyang anak. Ayon sa sinabi ng Propeta Muhammad;
Hindi pamamanahan ng isang Muslim ang Kafir at ang Kafir ay hindi pamamanahan ang isang Muslim. (Mutafaqun ‘Alayhi—hadith na napagkasunduan - nababanggit sa koleksyon ni Imam Bukhaari at Imam Muslim)
At sinabi rin niya ,
Ang karapatan ng pagmamana ay para sa pamilya. Iniulat nina Imam Al Bukhari at Imam Muslim.
Ito ay halimbawa at maaaring maipatupad sa iba pang isyu ng pagpapamana.
Ikaanim: Kapag ang isang tao na hindi nagsasalah ay namatay, siya ay hindi paliliguan, hindi babalutan ng puting tela na pangpatay, at hindi pagsasagawaan ng Salatul Janazah (Salah para sa Patay na Muslim), at hindi siya ililibing sa sementeryo ng mga Muslim. Ano ang gagawin natin sa kanya? Dadalhin natin siya sa disyerto, gagawa tayo ng hukay, babalutin siya ng sarili niyang damit, dahil siya ay hindi maituturing na sagrado. At dahil dito sinumang tao na mayroon siyang patay na kasama at alam niyang hindi nagsasalah, hindi niya kailangang imbitahan ang mga muslim na magsalah sa kanya (sa tao na hindi nagsasalah).
Ikapito: Siya ay bubuhayin muli sa araw ng paghuhukom kasama ni Fir’aun (ang hari ng Ehipto na kaaway ni Moses), Haman (ang tagapayo ni Fir’aun), Qaaroon (isang taong mayaman nguni’t Kafir na taga-Israel na nabuhay sa panahon ni Moses), at Ubay bin Khalaf (isang Kafir na Arabo na kaaway ng Propeta Muhammad. Mangyayari sa kanya ang ganito dahil siya ay Kafir at hindi pinahihintulutan ang sinuman sa kanyang mga kamag-anak na humingi kay Allaah ng awa o pagpapatawad para sa kanya, dahil siya ay Kafir at ito ay hindi niya kailangan. Katulad ng sinabi ni Allaah.
Hindi karapat dapat para sa Propeta at sa mga mananampalataya ang humingi ng tawad para sa mga Mushrikeen (mga taong hindi mananampalataya at
sumasamba sa iba pang diyos) kahit na sila ay malalapit na kamag-anak, matapos na naging maliwanag na sila ay magiging maninirahan sa impiyerno. (9:113)
AT ANG USAPIN NA ITO MGA KAPATID AY NAPAKADELIKADO...AT HINIHINGI KO NG PAUMANHIN DAHIL ANG IBANG TAO AY BINABALEWALA ANG BAGAY NG ITO, AT NAKIKISAMA SA MGA TAONG NASA KANYANG BAHAY NA HINDI NAGSASALAH … ITO AY HINDI PINAHIHINTULUTAN.
ITO ANG HATOL SA SINUMANG TUMALIKOD SA SALAH MAGING LALAKI MAN O BABAE.
Ikaw...Oh taong hindi nagsasalah at nagpapabaya dito, harapin mo ang nalalabing mga taon sa iyong buhay sa paggawa ng mga gawaing mabubuti, dahil hindi mo nalalaman kung ilang panahon na lang ang nalalabi sa iyong buhay. Kung may nalalabi pa ba para sa iyo na mga buwan, o mga araw, o mga oras? Ang kaalaman tungkol dito ay nakay Allaah. At alalahanin palagi ang sinabi ni Allaah.
At sinumang tao ang dumating sa kanyang Panginoon na isang Mujrim (taong makasalanan o Kafir) katotohanan para sa kanya ang impiyerno at doon siya ay hindi mabubuhay o mamamatay (Ta Ha:74)
At sa kanya na nagmalabis sa paglabag sa lahat ng iniutos ng Panginoon. At mas pinahalagahan ang mundong ito. Katotohanan ang kanyang pananahanan ay ang Impiyerno. (Nazi’at:37-39)
Nawa ay tustusan ka ni Allaah ng lahat ng kabutihan, pagtagumpayin ka, at gawing masaya ang iyong mga araw, ayon sa anino ng batas ni Allaah, sa iyong mga paghahanap ng karunungan, gawain, at pag-aanyaya sa landas ni Allaah.
At si Allaah ang higit na nakaaalam at nawa ay dakilain ni Allaah ang pagkakabanggit sa Propeta Muhammad at gayundin sa kanyang pamilya, at sa lahat ng kanyang kasama.
Muhammad bin Salih bin Al-Othaimeen
Isinalin sa Wikang Filipino ni Mujahid Navarra
0 Mga Komento:
Mag-post ng isang Komento
Mag-subscribe sa I-post ang Mga Komento [Atom]
<< Home