MABUBUTING KAASALAN SA PAGTATANONG
Tunay na ang Muslim, anuman ang naabot ng kanyang kaalaman ay walang pagdududa na magkakaroon siya ng problema sa ilang mga usapin na hindi nalalaman ang ilang mga usapin ukol dito at ito ay pagpapatotoo sa sinabi ni Allah:
Hindi kayo binigyan ng kaalaman liban na lamang na kakaunti.
Maaari naman na nalalaman niya ang ilang mga sinabi ng mga iskolar subalit siya ay nahihirapan sa pagpili at pagpili ng pikatumpak na opinyon sa isang usapin at nararapat lamang na siya ay magtanong ayon sa sinabi ni Allah:
Tanungin ninyo ang mga may kaalaman kung kayo ay walang nalalaman.
Sinabi ni Sa’id bin Jubair, “Nanatiling maalam ang isang tao hanggat siya ay nag-aaral ngunit kapag siya ay tumalikod sa pag-aaral at siya ay nag-akala na wala na siyang pangangailangan dito ay tunay na siya ay higit pang mangmang kaysa sa kanyang inaakala.”
Napagtibay sa Dalawang Sahih mula sa Hadith ni Ubay bin Ka’b na narinig niya si Propeta Muhammad na nagsabi, “Tunay na si Musa –alayhis salam ay nagbigay ng Khutbah para sa bani Israel at siya ay tinanong, ‘Sinong tao ang pinakamaalam?’ Sinabi niya, ‘Ako!’. At itnuwid siya ni Allah sa dahil siya ay hindi humingi ng kaalaman mula kay Allah at ipinahayag sa kanya na, ‘Ako ay mayroong alipin na matatagupuan sa pagitan ng dalawang dagat at siya ay mas maalam kay sa iyo.’
Ang kuwento nina Musa at Al Khidr – alayhimas salam ay matatagpuan ang paglalahad ng pagiging mainam ng paglalakbay kasama ang mga maaalam upang ang tao ay madagdagan ng kaalaman at upang masamantala ang pagkakataon na makapiling ang mga pinagpipitagang iskolar at ito ang palaging ginagawa ng Salafus Saleh – ang mabubuti sa mga naunang henerasyon ng mga Muslim. Sinabi ni Imam Al Bukhari, ‘Si Jabir bin Abdullah ay naglakbay ng isang buwan tungo kay Abdullah bin Unays para sa isang hadith.’ at tinalakay nang may pagpapalawak ang ulat na ito sa aklat ni Al Khatib Al Baghdadi sa kanyang aklat na pinamagatang, ANG MGA PAGLALAKBAY SA PAGHAHANAP NG KAALAMAN.
Nabanggit ng mga Iskolar ang mga mabubuting kaasalan sa pagtatanong na marapat lamang na ating pag-ingatan tuwing tayo ay magtatanong sa mga Iskolar o sa ating mga guro at kabilang sa mga pinakamahalaga rito:
Binanggit ni Imam An Nawawi sa panimula ng kanyang aklat na pinamagatang Al Muhadhdhib, “Ang nagtatanong ay marapat na gawing mainam ang kanyang pagtatanong, ang magsalita nang maayos at ang huwag mahiya sa pagtatanong ukol sa bagay na lumilito sa kanya at gagawin niyang malinaw ang kanyang tanong nang may ganap na pagiging maliwanag. Dahil sinuman ang maging malambot ang kanyang mukha sa pagtatanong ay magiging malambot din ang kanyang kaalaman at sinumang maging malambot ang kanyang mukha sa pagtatanong ay lilitaw ang kanyang kahinaan sa pagtitipon ng mga kalalakihan.”
Kaya, ang mabuting pakikipag-usap sa Sheikh at ang mahusay na pagbibigay ng tanong ay mga bagay na marapat gawin upang makamit ang pagmamahal at mainam na pakikitungo at mawala ang paninikip ng dibdib para sa pagdating ng sagot. Ito rin ay kabilang sa mga maiinam na kaasalan at kaugalian. Tunay na ang sinuman na may naisin na anumang bagay mula sa sinuman ay magiging mahinahon sa kanyang pananalita at siya makikipag-usap sa kanya gamit ang mga pinakamaiinam na mga pananalita upang makamit niya ang kanyang ninanais, kaya paano pa kaya para sa isang naghahanap ng kaalaman sa kanyang pagtatanong samantalang ang gawaing ito ay higit na marangal.
Dahil dito ay sinabi ni Musa – alayhis salam nang makita niya si Al Khidr:
Sinabi sa kanya ni Musa, ‘Maiistorbo ba kita kung tuturuan mo ako mula sa ipinaalam sa iyong gabay.
Sinabi ni Imam Al Qurtubi, “Ito ang paraan ng pagtatanong nang maayos, magalang at pinakamainam na kaasalan.’ Ang kahulugan nito, ‘Ito ba ay walang problema sa iyo at hindi magiging mabigat para sa iyo?’ Katulad ng nababanggit sa hadith:
Kaya mo bang ipakita sa akin kung paanong nag-wudu’ si Propeta Muhammad?
Ito ang gabay ng ating mga Iskolar – kahabagan nawa sila ni Allah – sa pakikisama sa kanilang mga Sheikh. Nabanggit ni Al Khatib sa kanyang Jami’ na sinabi ni ‘Amr bin Qays Al Mala-i nang dumating sa kanya ang hadith ukol sa isang lalaki at ninais niya na makarinig mula sa kanya at siya ay lumapit sa kanya hanggang sa siya ay nasa harapan na nito at nagpakumbaba at nagsabi, “Turuan mo ako, kahabagan ka nawa ni Allah – mula sa kaalamang itinuro sa iyo ni Allah.”
Iniulat din mula kay Maymun bin Mahran na siya ay nagsabi, “Ang pagmamahal sa tao ay kalahati ng isip at ang maayos na pagtatanong ay kalahati ng pag-unawa.” Iniulat naman ni Ibnu Abdul Barr mula kay Wahb bin Munabbih at Sulayman bin Yasar na silang dalawa ay nagsabi, “Ang mahusay na pagtatanong ay kalahati ng kaalaman at ang pagiging makatao ay kalahati ng pamumuhay.”
Walang duda na sila ay pawing umaasa sa kahalagahan ng mahusay na pagtatanong dahil sa kanilang kaalaman sa kahalagahan ng pagtatanong na ito ay susi ng kaalaman.
Sinabi ni Az Zuhri, “Ang kaalaman ay baul at ang susi nito ay ang pagtatanong.” Iniulat ni Ibnu Abdul Barr.
Tinanong ang ilan sa mga salaf, “Paano mo nakamit ang ganitong kaalaman?” Sinabi nila, “Sa pamamagitan ng pusong nag-iisip at dilang nagtatanong.”
Tinanong si Al Asma-‘I, “Paano mo nakamit ang ganitong kaalaman?” Sinabi niya, “Sa pamamagitan ng maraming pagtatanong at ang pagkapit sa busal.”
Sinasabi rin, “Sinuman ang naging malumanay sa pananalita ay minamahal.”
Sinabi ni Al Farazdaq, “Sabihin ninyo sa akin O mga tao nang ako ay nagtanong na sinuman ang magtanong ukol sa kaalaman ay makakaalam.”
Sinabi ni Amiyah bin Abis Sult, “Ang pagtatanong ng tao ay nakadaragdag sa kanyang karanasan at siya ay naliligtas mula sa mga sabi-sabi.”
Sinasabi rin, “Kung ikaw ay hindi nakakaalam at hindi ka nagtatanong sa nakakaalam ay paano ka makakaalam?”
Maaring ang isang nagtatanong ay magsimula sa kanyang pagtatanong sa pagsasabing,
Ahsanallahu ilaykum - Maging mabuti nawa si Allah sa inyo.
Athabakumullah – Gantimpala kayo ni Allah.
Wafaqakum wa saddadakum wa baraka fikum wa zadakum ‘ilman wa ‘amalan – Gabayan nawa kayo ni Allah tungo sa lahat ng kabutihan, gawin kayong matuwid, biyayaan kayo at dagdagan nawa ni Allah ang inyong kaalaman at mabubuting gawa.
Razaqakum husnal khatimah – Biyayaan kayo ni Allah ng mainam na pagwawakas ng buhay.
Adamallahu ‘Izzakum wa nafa’a bikum – Panatilihin nawa ni Allah ang inyong karangalan at gawin kayong daan ng kanyang pagbibiyaya.
Ito ang ilan sa mga pinakamaiinam na pagsisimula ng pagtatanong. Iniulat ni Al Khatib na dumating ang isang lalaki kay Zayd bin Aslam at nagtanong ukol sa isang bagay subalit ito ay nakalito lamang sa kanya. Sinabi sa kanya ni Zayd, “Humayo ka at matuto muna kung paanong magtanong?”
Ang mainam na halimbawa ng pagtatanong ay ang pagsasabing, “Ano ang hatol sa bagay na ito, O marangal na Sheikh?” o kaya ay, “Ano ang pananaw mo sa usaping ito O marangal na Sheikh?” o kaya ay, “Hindi nalilingid sa inyong malawak na kaalaman ang pagpapahintulot sa bagay na ito at ano po ba ang dalil dito kung inyo pong mamarapatin?”
Hindi marapat na banggitin sa kanya ang fatwa ng sinuman liban sa kanya lalo na kung ito ay taliwas sa kanyang pananaw upang hindi mabuo sa kanya ang anumang di magandang damdamin tungo sa iba pang iskolar. Maaaring ito ay magdulot na siya ay magsasalit nang laban sa iba pa liban sa kanya o kaya ay makaramdam siya ng kakulangan sa kanyang kaalaman. Ito ay binanggit ni Ibnu Jama’ah.
Kabilang sa mga bagay na nangangailangan ng pagbibigay-diin ay ang pagpili ng tamang oras na nararapat para sa pagtatanong. Kapag ang guro ay nasa kalagitnaan ng kanyang aralin ay hindi marapat na siya ay putulin hanggang sa hindi natatapos ang kanyang sinasabi upang hindi maputol ang kanyang naiisip at masira ang kanyang pananalita o kaya ay makapagdulot ng kalituhan ang pagkakaputol na ito sa iyong mga kamag-aral.
Gayundin, maging sa iba pang panahon na bukod pa sa oras ng pagtuturo ng mga guro o ng mga sheikh ay marapat lamang ang matalinong pagpili ng tamang oras upang makipag-ugnayan o dumalaw sa kanila. Huwag silang tatanungin kung sila ay nasa panahon ng pagiging abala o kaya sila ay nasa hindi magandang pakiramdam o pagkaantok o kaya ay mayroong silang pakikipagtagpo na dapat puntahan. Dahil ang mga ito ay nakakapigil sa mahusay na pagkakasagot sa tanong.
Marapat para sa iyo na tunghayan ang eksenang ito na nagpapakita ng mabuting kaasalan mula sa sahabah na si ‘Abdullah bin Abbas – radiyallahu ‘anhu nang siya ay nagsabi, “Tuwinang tutungo ako sa isang kasama ni Propeta Muhammad – sallallahu alayhi wa sallam at kapag nakita ko siyang natutulog ay hindi ko siya gigisingin. Kapag nakita ko siyang matamlay ay hindi ko siya tatanungin. Kapag nakita ko siyang abala ay hindi ko siya tatanungin.” Iniulat ni Al Khatib sa kanyang Al jami’.
Ito ay sinundan niya ng pagsasabing, “Hindi marapat na siya ay tanungin habang siya ay nakatayo o naglalakad dahil mayroong mga nararapat na pag-uusap sa bawat lugar at hindi kasama rito ang mga daan at mga pampublikong lugar. Minsan ay tinanong si Abdullah bin Mubarak ukol sa isang hadith habang siya ay naglalakad at siya ay nagsabi, “Ito ay hindi pagpapakita ng pagpapahalaga sa kaalaman.”
Hindi rin marapat ang masyadong maraming pagtatanong sa mga guro upang hindi sila mapagod sa mga ito dahil ito ay pinagbawal ni Propeta Muhammad – sallallahu alayhi wa sallam. Ukol sa masyadong maraming pagtatanong ay iniulat ni Ibnu Hajar mula kay Ibnut Tin na siya ay nagpaliwanag sa hadith na ito bilang pagtatanong sa tao o ang pagtatanong ukol sa mga problema o ukol sa mga usapin na walang kinalaman o pangangailangan sa kasagutan ang nagtatanong nito.
Mula sa mga mabubuting kaasalan na binanggit ni Imam An Nawawi ay kapag sinabi ng isang Sheikh sa isang mag-aaral, “Naunawaan mo ba?” ay hindi marapat na siya ay magsasabi ng ‘Oo’ hanggat hindi nagiging maliwanag sa kanya ang usapin at upang hindi siya magsinungaling at mawala sa kanya ang pagkakataon na matuto.
Hindi siya dapat mahiya na magsabing, “Hindi ko naintindihan.” Dahil ang pagiging malinaw sa kanya ng usapin ay magbibigay ng kabutihang panandalian at pangmatagalan. Ang kabutihang panandalian ay ang pag-unawa sa usapin at ang pag-iwas niya sa pagsisinungaling at pagpapanggap ng pag-unawa sa pagpapakita ng huwad na pang-unawa sa bagay na hindi naman niya naiintindihan.
Hindi marapat para sa mga mag-aaral na lalaki at babae na mahiya sa pagtatanong hanggat sa ito ay hindi labag sa batas ng Islam at mayroong kabutihan sa kanila. Iniulat ni ‘Aishah – radiyallahu anha, “Mainam na mga kababaihan ang mga kababaihan ng Ansar. Hindi sila pinagbabawalan ng kanilang pagiging mahiyain sa kanilang pagtatanong ukol sa relihiyon at magpalawak ng kaaalaman dito.” Iniulat ni Imam Muslim.
Sinabi ni Mujahid bin Jabr, “Hindi nagkakamit ng kaalaman ang sinumang mahiyain at mapagmalaki.” Itinala ni Imam Al Bukhari.
Marapat din sa mga lalaki at kababaihang mag-aaral ang pagpapakumbaba sa kanilang mga sarili, mga kamag-aral at mga guro at lumayo sa pagmamalaki dahil ito ay naglalayo sa pagitan ng mag-aaral at kaalaman. Nababanggit sa hadith, “Magpakumbaba kayo para sa kung kaninuman kayo ay nag-aaral.”
Sinabi ni Abdullahi bin Mu’taz, “Ang mag-aaral na mapagpakumbaba ay pinakamalawak sa kaalaman tulad ng malalim na lugar na mas maraming lugar na maiipon.”
MGA TANONG NA HINDI KAPURI-PURI
Hindi marapat sa mag-aaral ang magtanong liban na lamang ukol sa usaping hindi niya nauunawaan ayon sa sinabi ni Waqi’ bin Al Jarah, “Sinuman ang magtanong ukol sa bagay na kanyang nalalaman ay nakagawa ng isang uri ng riya’.”
Hindi rin marapat na maging layunin ng tagatanong ang magpahirap sa mga Sheikh o magpakita ng galling sa pamamagitan ng pagtatanong bilang pagpapakitang-gilas sa iba pang mga mag-aaral ay tunay na ito ay magdudulot ng pagmamalaki sa kanyang sarili at hindi pagkakaunawaan sa pagitan niya at ng kanyang mga guro. Sinabi ni Al Hassan Al Basri, “Ang pinakamasamang alipin ni Allah ay silang nagsisiwalat ng pinakamasasamang usapin upang subukan ang mga muslim.”
Marapat din para sa nagtatanong na iwasan ang mga kakaiba, misteryoso o hindi kapani-paniwala na hidni hindi inaasahan na naganap sa kanilang mga katanungan na hindi naganap sa kanila. Ito ay ayon sa hadith na iniulat ni Mu’awiyah – radiyallahu ‘anhu na ipinagbawal ni Propeta Muhammad ang mga sobrang pagtatanong ng mahihirap na katanungan.
Sinabi ni Al Awza’i, “Ang tinukoy sa pagbabawal ay ang maraming pagtatanong sa mga mahihirap na mga bagay.”
Ukol sa mga bagay na hindi pa nagaganap ay tunay na si Omar bin Al Khattab – radiyallahu ‘anhu ay lumabas at tumungo sa mga tao at nagsabi, “Ipinagbabawal ko sa inyo na kayo ay magtanong ukol sa mga bagay na hindi pa nagaganap dahil kami ay mga taong abala.”Idinugtong niya rito, “Pinagbawalan kami sa Takalluf (pagtatanong ng sobrang dami at sobrang hirap).” Iniulat ni Imam Al Bukhari.
Si Imam Ad Darimi ay nagtala sa mga unang bahagi ng kanyang Sunan ng isang kabanata ukol sa pagiging hindi kaibig-ibig ng malabis na pagtatanong ukol sa mga bagay na hindi pa nagaganap at tinukoy dito ang ilang mga sinabi ng mga sahabah at tabi’in at kabilang dito.
Sinabi ni Ibnu Omar – radiyallahu ‘anhuma, “Huwag kayong magtanong ukol sa mga bagay na hindi pa nagaganap dahil tunay na narinig ko si Omar na isinumpa ang mga nagtatanong ukol sa mga bagay na hindi pa nagaganap.”
Iniulat na si Zayd bin Thabit – radiyallahu anhu na tuwing siya ay tinatanong ay nagtatanong din siya, “Naganap na ba ito?” at kapag sinabi na, “Hindi pa.” ay sasabihin niyang, “Iwan mo ang tanong na ito at bumalik ka kapag ito ay nangyari na.”
Ang mga salaf – kahabagan nawa sila ni Allah ay namimintas sa sinumang magtanong sa kanila ukol sa mga bagay na walang pakinabang sa nagtatanong at sila ay sumasagot sa mga katangungang may kapakinabangan dito. Kabilang sa pagpapakita nito ay nang nagtanong ang isang lalaki kay Imam Ahmad bin Hanbal kung mga Muslim ba ang Ya’juj at Ma’juj. Sinabi niya, “Nagkamit ka na ba ng malawak na kaalaman kaya mo naitanong iyan?”
Nagtanong muli ang lalaki ukol sa wudu’s sa pamamagitan ng tubig ng baqila’ at sumagot si Imam Ahmad na, “Hindi ko iyun magugustuhan.”
Magtanong muli ang lalaki, “Ano ang sasabihin mo kapag pumasok ka sa masjid.” At tumahimik na ang lalaki. Sinabi ni Imam Ahmad, “Umalis ka at alamin mo ito.” Ito ay mula sa binanggit ni Ibnu Muflih sa kanyang Al Adabush Shar’iyah.
Tinanong si Shabtun – Ziyad bin Abdurrahman Al Qurtubi – ukol sa dalawang bahagi ng timbangan sa Araw ng Paghuhukom kung ito ba ay gawa sa ginto o pilak. Sinabi niya, “Kabilang sa mainam na Islam ng isang tao ang pag-iwas niya sa mga bagay na wala na wala siyang kinalaman. Umalis ka at mag-aral muna.” Ito ay mula sa binanggit ni Qadi ‘Iyad.
Sinabi ni Al Bayhaqi sa kanyang Al Madkhal, Kinamumuhian ng salaf ang pagtatanong ukol sa mga usapin bago pa ito maganap lalo na kung ito ay hindi nababanggit sa Quran at Sunnah. Bagkus ay matutukoy lamang sa pamamagitan ng Ijtihad dahil ito ay mapapahintulutan dahil sa matinding pangangailangan. Subalit walang matinding pangangailangan na malaman ang hatol sa isang bagay na hindi pa nangyayari. Kaya nagbabago ang Ijtihad sa pagkakataong ito.
Tinukoy ni Imam Ash Shatibi sa pahimakas ng kanyang aklat na Al Muwafaqat, na kung saan ay tinukoy niya ang sampung pagkakataon na pinapakita ang mga hindi kapuri-puring pagtatanong. At siya ay nagsabi, “mula rito ay makukuha na ang mga aralin sa bawat sitwasyon na katulad nito.”
0 Mga Komento:
Mag-post ng isang Komento
Mag-subscribe sa I-post ang Mga Komento [Atom]
<< Home